Inihayag ng Palasyo na sumentro sa usaping budget ang special meeting na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, nagpresenta ang Department of Budget and Management (DBM) ng panukalang pambansang budget para sa susunod na taon sa Pangulo at nagbigay naman ng input ang iba’t ibang mga kalihim sa kani-kanilang mga ahensya.
Dagdag pa rito ay natalakay rin aniya ang tungkol sa rightsizing, pinakamalaking paglalaanan ng pondo at sektor ng edukasyon alinsunod sa nakasaad sa konstitusyon.
Samantala, sinabi pa ng kalihim na napag-usapan din sa naturang pagpupulong ang unang kaso ng monkeypox sa bansa at kung ano ang mga ipatutupad na mga hakbang para maagapan ang pagkalat ng monkeypox.