Pinaaga ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang araw ng effectivity ng kanilang mga ibinigay na special permit sa mga bibiyaheng bus ngayong holiday.
Ayon kay LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada, dahil sa inaasahang pagpasok ng panibagong sama ng panahon ngayong weekend, kanilang napagpasyahan na simulan na ang pagpapabiyahe sa mga bus na binigyan ng special permits sa December 21.
Mas maaga ito ng dalawang araw mula sa orihinal na December 23 hanggang January 3.
Paliwanag ni Lizada, layunin nito ang mabawasan ang bilang ng mga posibleng ma-stranded bunsod ng inaasahang sama ng panahon na ayon sa NDRRMC ay posibleng mag-lalandfall sa December 23 o 24.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Lizada ang mga bus drivers na maging maingat sa mga biyahe.
“All drivers are advised to take precautionary measures during their trips and those bus units with destinations directly affected by the typhoon and will pass through a RORO port are advised to cancel their trips and remain in their terminals until further notice.” Pahayag ni Lizada
—-