Pinabulaanan ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang mga alegasyon ni Sen. Leila De Lima na diumano’y ibinalik nito ang mga pribilehiyo ng mga bilibid inmates na tumestigo laban sa kanya sa pagdinig ng Kamara sa paglaganap ng iligal na droga sa New Bilibid Prisons.
Sa panayam sa programang ‘Karambola’ sa DWIZ, sinabi ng kalihim na nanggaling na mismo kay De Lima ang katagang ‘ibinalik’ na aniya’y isang maaaring patunay na umiral na ang ganitong kalakaran noong panahon pa ng panunungkulan ng senadora bilang pinuno ng Department of Justice.
“Ang gumamit ng salitang restore ay mismong si Sen. De Lima, na ni-restore ko raw ‘yung mga privileges na inalis niya, privileges nung mga kapanahunan na siya’y kalihim pa ng DOJ, inaakusahan niya ko na ni-restore ko raw, so ibig sabihin existing na ‘yan dati pa. Ang Bureau of Correction (BuCor) may sariling pamunuan ‘yan. Iyan ay tungkulin nang nanunungkulan sa bilibid, tayo lang ang nagsu-supervise diyan.” pahayag ni Aguirre
Dahil dito, nagpalabas na si Aguirre ng department order upang imbestigahan ang mga akusayon ni De Lima. Ayon sa senadora, ang mga pribilehiyong ito ay kinabibilangan ng unlimited access ng mga inmates sa cellphone, internet, aircon at telebisyon.
“Nag-issue na ko ng department order to investigate the allegations of Sen. De Lima. Kailangan kasi imbestigahan ito, ang hirap kasi rito ay halos lahat ng members ng BuCor ay tainted na.” ang sabi ni Aguirre
Sa huli, sinabi ni Aguirre na minamadali na ng kanyang five-man panel ang imbestigasyon upang pormal nang makapaghain ng kaso laban sa senadora dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa paglaganap ng iligal na droga sa Bilibid.
“Yang five-man panel, they’re already wrapping up the result of the investigation and any day pwede na itong lumabas” paliwanag ni Aguirre
By Ira Cruz | Credit to Karambola interview
Catch Karambola on weekdays, 8:00-9:30 am with Jojo Robles, Conrad Banal, Jonathan Dela Cruz and Prof. Tonton Contreras!