Ibinunyag ng convicted drug lord na si Herbert Colanggo na mayroon siyang special privileges sa dating kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si Senator Leila de Lima.
Ginawa ni Colanggo ang pahayag sa kanyang pagharap niya sa pagdinig ng House of Representative Justice Committee kaugnay sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
Sa direct examination ni DOJ Sec. Vitaliano Aguirre, sinabi ni Colanggo na kabilang sa espesyal na pribiliheyo ay ang pagpapasok ng 300 cases ng beer para sa kaniyang private concerts sa loob ng NBP.
Binibigyan niya umano ng P3 million pesos bawat buwan si Sec. De lima simula noong 2013.
Inamin din ni Colanggo na nakausap niya ang senadora sa cellphone noong January 2014.
Isinawalat din ni Colanggo sa hearing ang cellphone umano ni De Lima nang tawagan niya ito.
Pinakumpirma na rin ni Sec. Aguirre sa DOJ Disbursing Officer na naka-isyu nga ang numero sa senadora sa pagitan ng taong 2012 hanggang 2015.
Kinumpirma din ni Cebu Rep. Gwen Garcia na nakapangalan nga kay De Lima sa kanyang directory ang nasabing numero.
Samantala, isinangkot ng dalawang NBI agents si De Lima sa kalakaran ng iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prisons.
Isiniwalat nina NBI Deputy Director Rafael Ragos, dating OIC ng Bureau of Corrections at NBI agent na si Jovencio Ablen na sila ang nagdala ng drug money sa bahay ni De Lima sa Parañaque City.
Ayon kay Ragos, Nobyembre 2012 nang nagsimula siyang maghatid ng drug money sa bahay ng senadora, kasabay ng kanyang pagkakapasok sa BuCor.
Sa simula raw ay P5 milyong piso ang kanyang hinahatid mula naman sa drug lord na si Peter Co.
Hindi na umano niya nasilip sa ikalawang pagkakataon ang kanyang na-deliver na pera na nakalagay sa isang plastic bag.
Naganap umano ito noong Disyembre 2012 matapos makakolekta ng tara o quota na P100,000 pesos kada linggo mula sa iba pang drug lords.
Samantala, pinagbigyan ng House Committee on Justice ang hiling ng mga abogado ng testigo na mabigyan sila ng immunity.
Ito ay matapos ihayag ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na bagama’t wala silang ipinangako sa mga bilanggo na haharap bilang testigo, naniniwala siyang nararapat na mabigyan ng immunity ang mga ito.
Limitado aniya ang immunity sa mga sasabihin ng mga testigo sa loob ng pagdinig.
By Jelbert Perdez