Nanawagan si Senator Raffy Tulfo sa airline companies na hangga’t maaari ay bigyan ng special rate sa pamasahe ang mga returning overseas Filipino workers na nais makapiling ang kanilang pamilya pagkatapos ng mahabang panahong pagkakawalay.
Ayon kay Senator Tulfo, dumoble ang presyo ng pamasahe papasok at palabas ng bansa matapos magka-aberya ang communications, navigation and surveillance system for air traffic management ng Civil Aviation Authority of the Philippines.
Halimbawa na lamang anya nito ang flight na Manila-Japan, na dating P20,000 hanggang P45,000 pero umaabot na umano sa P90,000 hanggang P140,000 ang one-way ticket, na hindi na kakayanin ng mga o.f.w. na limitado lang ang budget.
Partikular na hinimok ni Tulfo ang Philippine Airlines at cebu Pacific na ikunsidera ang pagbibigay ng preferencial pricing system na pabor sa mga o.f.w. na itinuturing na mga bayani sa bansa.
Gayunman, nilinaw ng isang airline company na nakusap ng tanggapan ng senador, na ang biglaang pagtaas ng pamasahe ay dulot ng demand-based algorithm na pinagbabasehan ng mga airlines sa airfare increase. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)