Sinimulan na ngayong araw na ito ang tatlong araw na special satellite registrations.
Bahagi ito nang paghahanda ng Commission on Elections o COMELEC sa idaraos na plebisito kaugnay ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa January 21, 2019.
Kaugnay nito, siyam na special registration teams (SRT) na mula sa Comelec main office sa Maynila ang nagtungo na sa labing anim na lugar sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Norte at North Cotabato at maging sa Cotabato City at Isabela City sa Basilan.
Ang mga kuwalipikadong aplikante sa mga nasabing lugar ay maaaring maghain ng kanilang application para magparehistro sa ipinakalat na SRT sa mga satellite registration venue.
Hindi naman kasama sa special satellite registration ang Marawi City dahil sa idaraos na barangay at SK elections dito sa September 22.
Nakasaad sa ang Bangsamoro Organic Law o Republic Act 11054 na nilagdaan bilang batas ng Pangulong Duterte noong July 26, 2018 ang pagsasagawa ng plebisito para pagbotohan sa mga lugar na planong saklawin ng Bangsamoro Autonomous Region kung dapat o hindi ito ratipikahan.
—-