Patuloy ang panawagan ni Cagayan De Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa mga kapwa mambabatas na magsagawa ng special session para talakayin ang pagpapalawig sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Ayon kay Rodriguez na siya ring Deputy Speaker ng Kamara, mahalagang talakayin ang pagpapalawig sa nasabing batas lalo’t karamihan sa pondong inilaan dito ay hindi nagamit.
Kahapon, tuluyan nang nagtapos ang bisa ng Bayanihan 2 na binalangkas para tulungan ang mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon, mga manggagawang nawalan ng trabaho, contact tracers at iba pang mga pilipinong apektado ng COVID-19 pandemic.
Giit ni Rodriguez, maituturing kasing korapsyon kung patuloy na gagastusin ang pondo gayung bigo naman itong mapalawig ng Kongreso.
Kasalukuyang naka-break ang sesyon ng Kamara na nagsimula noong June 5 at magbabalik sa huling State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 26. —ulat mula kay Patrol 7 Jill Resontoc