Isinusulong ni Department of Transportation o DOTr Secretary Arthur Tugade ang pagpapatupad ng Road Speed Limiter Act of 2016 matapos ang sunud-sunod na aksidenteng kinasangkutan ng mga truck.
Ayon kay Tugade, nakasaad sa ilalim ng nasabing batas na obligado ang ilang sasakyan katulad ng van, cargo trailer, public utility vehicles at anchor truck na maglagay ng speed limiter.
Maliban dito, umaasa rin si Tugade na magkaroon ng MVIS o Motor Vehicle Inspection bago matapos ang taon.
Bilang tugon, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada na na nakapaloob na sa omnibus franchising guidelines ang paglalagay ng speed limiter habang paparating pa lamang aniya sa susunod na taon ang MVIS.
Matatandaang lima ang nasawi matapos araruhin ng isang 10-wheeler truck ang mga sasakyan sa Batasan Road, Quezon City habang dalawa naman ang patay sa salpukan ng dump truck at van sa Antipolo.
—-