Inihirit ni SP03 Ricky Sta. Isabel sa Angeles City Regional Trial Court na ipagpaliban ang arraignment sa kanya at magkaroon ng reinvestigation sa kanyang kaso.
Sa 25-pahinang very urgent omnibus motion na inihain ni Sta. Isabel sa pamamagitang ng Public Attorney’s Office, sinabi nito na minadali ang paghahain sa kanya ng kaso sa hukuman ng hindi man lamang siya nakapaghain ng kanyang counter-affidavit upang patunayan ang pagkainosente niya sa mga nabanggit na reklamo.
Iginiit ni Sta. Isabel na noong Enero 20, habang siya ay nasa kustodiya ng NBI o National Bureau of Investigation, nalaman niya na kinasuhan na siya sa Angeles RTC ng kidnapping for ransom at homicide kung saan isinilbi sa kanya ng PNP o Philippine National Police ang arrest warrant.
Aniya, sa pagkakaalam niya ay nakatakda pa ang preliminary investigation sa kanyang kinakaharap na kaso sa Pebrero 6 at 13, 2017.
Samantala, kabilang din sa kahilingan ni Sta. Isabel na ibalik siya sa pangangalaga ng NBI mula naman sa PNP-Anti Illegal Drugs Group.
By: Meann Tanbio / Bert Mozo