Nasa kustodiya na ng PNP Anti-Kidnapping Group si SPO3 Ricky Sta. Isabel, ang itinuturong utak sa pagpatay kay South Korean businessman Jee Ick Joo noong Oktube 18.
Nagtungo sa NBI o National Bureau of Investigation ang PNP-AKG para isilbi ang arrest warrant laban kay Sta. Isabel na nahaharap sa kasong kidnapping for ransom with homicide.
Ang nasabing warrant of arrest ay inilabas kahapon ni Judge Irineo Pangilinan Jr. ng Angeles City Regional Trial Court Branch 58.
Si Sta. Isabel ay nasa ilalim ng protective custody ng NBI sa loob ng limang araw, bago pa man ipag-utos ng korte ang pag-aresto sa kanya.
Samantala, puno pa rin ng bagabag ang kalooban ng pamilya ni Sta. Isabel.
Kasunod ito ng unang gabi ng pulis sa Camp Crame matapos ilipat ang custody nito sa PNP mula sa NBI.
Ayon sa maybahay ni Sta. Isabel, nanganganib ang buhay ng kanyang mister dahil ang mga kalaban nito mismo sa PNP ang may hurisdiksyon sa kanyang pagkakakulong.
Dahil dito, maghahain ng mosyon sa korte ang PAO o Public Attorney’s Office para maibalik si Sta. Isabel sa custody ng NBI.
By Meann Tanbio | Judith Larino
Photo Credit: CNN PH