Pormal nang ini-sponsoran ni Senate Committee on Local Government Chairman Bongbong Marcos ang substitute bill ng Bangsamoro Basic Law na tinawag na Senate Bill 2894 o Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region.
Sa kanyang sponsorship speech, nanindigan ang Senador na naaayon sa Saligang Batas ang substitute bill.
Special mention ang Moro National Liberation Front o MNLF na grupong unang nakipaglaban para sa kapayapaan sa Mindanao.
Inialay din Marcos ang kanyang speech sa kabayanihan ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force na nagbuwis ng buhay para lamang sa kapayapaan.
Para naman kay MILF Chief Peace Negotiator Mohagher Iqbal, isang paglabag sa comprehensive agreement ng gobyerno at MILF ang pagtanggal sa ilang probisyon ng BBL.
Isa aniya itong pagtataksil sa mahabang taon ng kanilang pakikipag-laban at pakikipag-negosasyon sa pamahalaan.
Partikular na tinukoy ng MILF official ang pag-control sa resources sa Mindanao at iginiit na dapat makatanggap ng mas malaking bahagi ang itatatag na Bangsamoro Region.
Kalokohan
Samantala, tinawag na malaking kalokohan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang ipinagmamalaking Bangsamoro Basic Law bersyon ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Nanindigan si MILF-North Cotabato Spokesperson Jabib Guiabar na dekada ang ginugol sa pagbuo ng orihinal ng bersiyon ng BBL at hindi umano nararapat na palitan ito ng bersiyon ng iisang tao lamang.
Umalma din ang opisyal sa aniya’y paggamit ni Marcos sa kinabukasan ng Bangsamoro para sa political interest nito.
Sa harap nito, umaasa pa rin umano ang MILF na maisasabatas ng gobyerno ang original version ng BBL draft para sa kapakanan ng buong Mindanao.
By Drew Nacino | Meann Tanbio | Mariboy Ysibido