Nakatakdang ilabas ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price range ng mga school supplies sa susunod na linggo.
Ito ay kaugnay sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Agosto 22.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, kanilang ibabatay ang SRP sa quality ng item, volume at kung saan ito yari.
Halimbawa na lang aniya dito ang notebook partikular sa kung ilan ang pahina nito maging ang ruler na may mabibiling bakal, plastic at kahoy.
Dagdag pa ni Castelo, konsiderasyon din sa pagtatakda ng SRP na gagawin ng DTI kung saan ito maaaring mabili, kung ito ba ay sa Divisoria, sa bookstore o sa loob ng mall.
Magkakaiba aniya talaga ang presyo nito kaya’t lalagyan nila ng price range ang kanilang SRP.