Maaari nang makinabang sa calamity loan assistance ang mahigit 54,000 miyembro ng Social Security System (SSS) sa mga lugar na naapektuhan ng malalakas na lindol sa Mindanao noong Oktubre.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Aurora Ignacio, tatanggap na sila ng mga aplikasyon para sa calamity loan, tatlong (3) buwang advance na pension, at direct house repair and improvement loan simula ngayong araw, Nobyembre 18.
Sinabi ni Ignacio, kabilang sa mga kuwalipikado sa nabanggit na loan ang mga SSS members at pensioners mula sa mga lugar na una nang isinailalim sa state of calamity ng National Disater Risk Reduction Management Council (NDRRMC).
Ito ay ang mga munisipalidad ng Bansalan at Batanao sa Davao Del Sur, Kidapawan City, Makilala at Tulunan, North Cotabato.
Kinakailangan lamang matiyak na nakapagbayad ng minimum na 36 buwang kontribusyon ang miyembro kung saan anim sa mga ito ang nabayaran sa loob ng labing dalawang buwan bago ang araw ng aplikasyon.