Umapela si dating Social Security System President at CEO Rolando Macasaet sa pamahalaan para sa pansamantalang pagsuspinde sa mas mataas na contribution rates ng SSS.
Ayon kay Macasaet, may kapangyarihan ang Malacañang na suspendihin ang pagpapatupad sa republic act 11199 of the Social Security Act kung may panawagan ang SSS members na ipagpaliban muna ito.
Hindi naman aniya ito makakaapekto sa malaking fund life ng SSS dahil kumita ang ahensya ng mahigit 80 billion pesos noong 2023, at nagkaroon ng banner year na mahigit 100 billion pesos noong 2024.
Kasabay nito, nilinaw naman ng kinatawan ng SSS-GSIS Pensyonado Partylist na walang kahit isang sentimo mula sa SSS ang inilagak sa Maharlika Investment Fund kasunod ng mga usaping ang pagtaas sa kontribusyon ay para palitan ang pondong ibinigay ng ahensya sa MIF. – Sa panulat ni Laica Cuevas