Pinagpapaliwanag ni Senator Francis Escudero ang Social Security System o SSS kaugnay ng umano’y planong taasan ang monthly contributions ng mahigit 30 milyong miyembro nito.
Ito’y matapos mapaulat na ikinukonsidera na ang umento sa kontribusyon ng mga SSS members bago matapos ang termino ni Pangulong Noynoy Aquino sa susunod na taon.
Sinasabing layon nitong mapahaba pa ang buhay ng pension fund para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at ng mga self-employed.
Giit ni Escudero, dapat maipaliwanag nang maayos kung saan napupunta ang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS at kung paano ito ginagamit.
Hinimok din ng senador ang SSS na buksan ang kanilang book of accounts para malinawan ang publiko hinggil sa naturang usapin.
By Jelbert Perdez