Inihayag ng Social Security System (SSS) ang paninindigan nito sa mandatory contribution ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Ayon sa SSS kailangan nitong ipatupad ang Republic Act 11199 o ang social security act of 2018 hangga’t hindi ito napapawalang bisa.
Hindi anila maaaring balewalain ang desisyon ng mga mambabatas na makapagbigay ng makabuluhang social protection sa lahat ng Pilipino na nakabase dito at sa ibayong-dagat.
Isasaalang-alang ng mga ito ang mga alalahanin sa mandatory coverage ng OFWs ngunit binigyang-diin na tungkulin nitong ipatupad ang batas na magsusulong sa kapakanan ng mga nagtatrabaho sa ibang bansa.
Batay sa datos ng SSS, simula Enero hanggang Hunyo 2019, umabot lamang sa 534,699 ang OFWs na regular na nagbabayad ng kontribusyon sa SSS samantalang nasa 2.3 milyong OFWs ang nasa ibang bansa mula Abril hanggang Setyembre 2018, ayon sa record ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa ilalim ng bagong batas, maaaring makakuha ang OFWs ng pitong benepisyo ng SSS sa oras ng pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagkatanggal sa trabaho, pagreretiro, pagpapalibing at pagkamatay o survivor pension.