Nagbabala ang Social Security System o SSS sa mga employers na delingkuwente sa pagre-remit ng kontribusyon sa SSS ng kanilang mga empleyado.
Ayon kay Luisa Sebastian, Head ng SSS Media Affairs, simula ngayong Abril, maglalabas na sila ng warrant para makumpiska ang ari-arian ng mga delingkuwenteng employers.
Mahigit sa limang (5) bilyong piso ang target ng SSS na makolekta mula sa mga delingkwenteng employers para sa unang taon ng mas mahigpit na pagpapatupad nila sa probisyong ito ng SSS Law.
Tiniyak ni Sebastian na dadaan naman sa proseso ang mga delingkuwenteng employers dahil padadalhan muna ang mga ito ng preliminary assessment notice kung magkano ang kanilang dapat bayaran sa SSS.
At bago mag-isyu ng seizure warrant, makakatanggap muna ng final notice of assessment ang employer kung saan nakapaloob ang demand ng SSS na bayaran ang kanilang pagkakautang.
Sinabi ni Sebastian na bibigyan rin ng labing limang (15) araw ang employer para maghain ng motion for reconsideration.
Sakali anyang mabigo silang maghain ng mosyon ay itutuloy ang pagkumpiska sa ari-arian ng employer at saka isusubasta.
—-