Binalaan ng Social Security System (SSS) ang mga miyembro nito na kukuha ng Unified Multi-purpose Identification Card na iwasang makipag-transaksyon sa online fixers upang maiwasan ang aberya.
Ipinaalala ni SSS President at CEO Aurora Ignacio na S.S.S. ang tanging authorized institution na tumatanggap ng mga aplikasyon at nag-i-issue ng UMID cards para sa mga miyembrong nasa pribadong sektor.
Binigyang-diin ni Ignacio na isinasagawa lamang sa kanilang branches ang biometrics data capturing, na isa sa mahalagang proseso sa issuance ng UMID cards.
Kwalipikadong makakuha ng UMID cards mula sa SSS ang mga miyembrong mayroon kahit isang kontribusyon.
Libre rin ito para sa first-time applicants at may bayad namang 200 pesos sa mga magpapalit o magre-renew.