Maaari nang mag-apply ng emergency loan ang nasa mahigit labing isang libong (11,000) miyembro ng Social Security System o SSS na apektado ng pagsasara ng isla ng Boracay.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc, idinisenyo talaga nila ang nasabing programa para sa mga miyembro nilang manggagawa na pansamantalang nawalan ng trabaho kasabay ng anim na buwang rehabilitasyon sa isla.
Maaari aniyang makautang ang mga SSS members nang hanggang labing anim na libong piso (P16,000) o katumbas ng kanilang isang buwang sahod.
Paliwanag ni Dooc, maaari nila itong i-a-apply sa lahat ng branches ng SSS sa buong bansa.
“Kapag nakapag-apply sila matatanggap nila sa loob ng 10 araw, puwede nilang i-pick up ang tseke sa alinmang opisina namin na pinag-aplayan nila ng emergency loan, kung hindi personal at may authorized representative kayo, sa loob ng 10 araw ito po ay ipadadala namin by mail, so ang mungkahi ko puntahan nila ng personal para mapadali ang pagtanggap nila ng benepisyo.” Ani Dooc
(Balitang Todong Lakas)