Tahasang binatikos ni Senador Francis Escudero ang Social Security System o SSS makaraang suportahan SSS ang pag-veto ni Pangulong Benigno Aquino III sa panukalang SSS pension hike.
Sa panayam ng Karambola sa DWIZ, iginiit ni Escudero na kakayanin naman ng SSS ang pagtaas ng pensyon sa kabila ng mababang antas ng koleksyon nito.
“Kung sa 2027 po tatagal yung pondo nila kapagka P2,000 e di ibig sabihin nun plus 11 years tatagal po ng hanggang 2038 na lang yung pondo nila kapagka P1,000, kung kaya po nilang gawin sa loob ng 22 taon bakit hindi nila kayang gawin sa loob ng 11 taon habang napakababa below 50 percent yung kanilang collection efficiency, ba’t po nila isisisi sa senado eh mas hawak nila ang House of Representatives kesa sa senado.” Ani Escudero.
Binanatan din ni Escudero ang mga miyembro ng Liberal Party sa Kamara de Representantes sa tila paglambot ng mga ito para i-override ang panukala matapos itong i-veto ng Pangulo.
“Sila po una ang magbobotohan at sisikaping makuha yung two-third pagnakuha po nila dun lang po ipapasa samin para magbotohan kami at sisikaping makakuha ng two-third. Meron pong umiikot din na resolution kaugnay po dito, sense of the senate lamang na nagsasabing gusto naming i-override yung veto pero kailangan naming hintayin yung House of Representatives, pero ngayon parang nagkukulang na at nahihirapan na po, akala ko po ba, my loyalty to my party ends when my loyalty to my country begins.” Pahayag ni Escudero.
Cynthia Villar
Kakarampot lamang umano kung tutuusin ang isinusulong na dalawang libong SSS pension hike.
Ito, ayon naman kay Senator Cynthia Villar, ay dahil may mga pensioner na sinasabing nakakatanggap lamang ng mahigit P1,000 kada buwan mula sa SSS.
Kaya, sinabi ni Villar sa DWIZ na malaking bagay din para sa mga matatanda ang panukalang dagdag na pensyon na na-veto ni Pangulong Benigno Aquino III.
Giit ng senadora, maraming option ang maaaring gawin ng SSS sakaling kapusin ito ng pondo tulad na lamang ng investment at subsidy sa mga susunod na taon.
“I’m just placing myself as a pensioner na receiving P1,200 and P2,400, yung sa mga 10 years in service P1,200 and yung 20 years in service, P2,400, medyo kung tayo ang nasa lugar nila paano ba magus-survive sa ganun para sa atin gusto nilang tulungan ang mga tao pero huwag nilang sabihin na hindi natin pinag-isipan yan, kanya-kanyang priorities yan.” Pahayag ni Villar.
By Jaymark Dagala | Jelbert Perdez | Karambola