Makatatanggap ng karagdagang isanlibong piso (P1,000) ang mga pensyonado ng SSS o Social Security System na may ispesyal na kaso.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc, sila ang mga pensyonadong hindi tumanggap ng pensyon nang aprubahan ang dagdag na isanlibo noong Enero 10.
Aniya, ito’y dahil sa magkaiba ang kuwenta o computation na nakadepende sa estado ng pensyon ng tinatayang nasa sampung (10) porsyento o katumbas ng dalawandaan at apatnapu’t dalawang libong (242,000) pensyonado.
Kabilang din sa mga makatatanggap ng dagdag pensyon ang mga pensyonadong nasa ilalim ng special pension systems tulad ng death claim, overpaid, withheld share at iyong mga saklaw ng bilateral social security agreement.
By Jaymark Dagala