Pinagpapaliwanag ng Bayan Muna at Gabriela Partylists ang Social Security System o SSS dahil umano sa uncollected contributions at penalties na aabot sa 437 billion pesos.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Chairman at Senatorial Candidate Neri Colmenares, dapat munang sagutin ng SSS ang issue bago simulang itaas ang contribution rates sa ilalim ng bagong Republic Act 11199 o Rationalization Act.
Hindi anya dapat hayaan ng mga SSS member na gamitin ng ahensya ang bago nitong kapangyarihan sa ilalim ng naturang batas nang hindi ipinapaliwanag kung ano ang nangyari sa mga hindi nasingil na kontribusyon.
Iginiit ni Colmenares na walang otorisasyon ang SSS na magtaas ng kontribusyon alinsunod sa bagong batas kung bigo naman itong kolektahin ang lahat ng uncollected contributions sa ilalim ng lumang batas.
Pebrero 7 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang R.A 11199, na nag-repeal sa Republic Act 8282 o lumang SSS Law.
SSS itinangging mayroong mahigit 400-b pisong uncollected contributions at penalties
Itinanggi ng Social Security System o SSS na mayroon silang uncollected contributions at penalties na aabot sa 437 billion pesos.
Magugunitang pinagpapaliwanag ni Bayan Muna Partylist Chairman at Senatorial Candidate Neri Colmenares sa SSS ang umano’y uncollected premiums bago simulang itaas ang contribution rates.
Nilinaw ni SSS President at CEO Emmanuel Dooc na bumaba sa 24 billion pesos ang “uncollected premiums” dahil sa delinquency accounts habang 79 billion pesos sa outstanding loans.
Ito’y bunsod ng maayos na koleksyon ng member contributions na 15 billion pesos kada buwan noong isang taon kumpara sa 11 billion pesos kada buwan noong 2016.
Umabot anya sa record high na 19.8 billion pesos ang contribution collection noong Enero.
Idinagdag ni Dooc na regular namang sinisingil at inaabisuhan ang mga kumpanya na hindi nakapag-re-remit ng kontribusyon ng mga miyembro.