Nilinaw ng Social Security System o SSS na nakapako pa rin sa labing isang porsyento (11%) ang premium contribution para sa kanilang mga miyembro.
Ito’y ayon kay SSS Chairman Amado Valdez makaraang pabulaanan nito ang napaulat na pagtataas umano ng kontribusyon ng kanilang miyembro epektibo ngayong buwan.
Bagama’t may pangangailangan para sa karagdagang kontribusyon, binigyang diin ni Valdez na nakatuon ang kanilang atensyon para sa pagbibigay ng makabuluhang benepisyo at pensyon.
Magugunitang ipinagpaliban ang plano sanang pagtataas sa kontribusyon ng SSS noong isang taon bunsod na rin ng pagpapatupad ngayong taon ng ipinasang bagong tax reform law ng administrasyon.
Kasunod nito, iminungkahi din ng SSS na taasan din ang maximum salary credit ng kanilang mga miyembro mula sa P20,000.00 mula sa dating P16,000.00.