Nagdulot ng kalungkutan ang muling pagbubukas ng Boracay para sa mga turista mula sa Western Visayas.
Ito ay matapos kumpirmahin ng mga otoridad na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang babaeng staff ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 6 na nanatili sa nasabing isla.
Ipinabatid ni Acting Mayor Frolibar Bautista ng Malay, Aklan na ang babaeng pasyente ay nasa Boracay mula ika-12 hanggang ika-14 ng Hunyo hanggang para sa isang conference.
Nagsasagawa na aniya sila ng contact tracing para ma-isolate na o maihiwalay ang mga nagkaroon ng close contact sa pasyente.
Sinabi ni Bautista na napag-alaman nilang naka-quarantine ang nasabing pasyente sa Iloilo City matapos manggaling sa Cebu.
Sumailalim aniya sa rapid test at negative ang babaeng pasyente at pina-swab test pa ito subalit nakaquarantine pa, samantalang hindi pa lumalabas ang resulta ay umalis na ito ng Iloilo at pumunta na ng Boracay.
Kasabay nito, inihayag ni Bautista na kakaunting turista lamang ang dumating sa muling pagbubukas ng Boracay noong Martes kaya’t nalulungkot sila dahil tiyak na hindi na sila muling dadayuhin kasunod ng nasabing kumpirmadong kaso ng COVID-19.