Muling sumailalim sa self-quarantine at isolation si Defense Sec. Delfin Lorenzana matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isa sa kaniyang mga staff.
Ayon kay Lorenzana, Hulyo 10 nang sumailalim sa RT-PCR o swab test ang kaniyang staff subalit kahapon lamang nito nakumpirma na nagpositibo nga siya sa COVID-19.
Sinabi ng kalihim, nakasama pa niya ito sa ilang mga okasyon tulad ng commissioning ng BRP Jose Rizal sa Subic, Zambales gayundin sa naging pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo sa Jolo, Sulu.
Gayunman, nilinaw ni Lorenzana na wala ito sa talk to the troops ng pangulo dahil naka-isolate na ito at nakasuot na rin ng ppe nang makasama nila ito pabalik ng Maynila kahapon.
Dahil dito, ipinababatid ni Lorenzana sa lahat ng kanilang nakasalamuha na magsagawa ng kaukulang hakbang at magpasailalim sa testing upang malaman kung nahawa sila o hindi ng COVID-19.