Umapela ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT) sa Local Government Units (LGUs) na mas padaliin at gawing standard ang mga kinakailangan upang makapasok sa mga pasyalan sa kanilang nasasakupang lugar.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, marami ang mga taong nais bumiyahe subalit nalilito sila kung ano ang mga requirements na kailangan sa mga lugar na papasyalan.
Ito ay kasunod ng paglabas ng resulta ng isang survey ng DOT na 8 sa 10 Pilipino ang nagsasabing iba-iba ang hinihinging requirements ng kada lugar sa bansa na siyang nagdudulot ng kalituhan sa mga turista.
Mungkahi ni Puyat, baka naman aniya pwede nang gawing standard ang requirements ng mga lugar dahil isang taon na rin naman ang nakalilipas simula magpandemya.
Paglilinaw naman ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya, hindi ito nangangahulugang alisin o luwagan ang travel restriction bagkus ay pag-isahin ang mga requirements ng byahero.
Samantala, nagbabala naman si Puyat sa mga namemeke ng swab test result na matatandaang mismong DOT ang nagsampa ng kaso laban sa 8 turistang patungong Boracay na nahuling nameke ng resulta ng swab test.—sa panulat ni Agustina Nolasco