Naniniwala ang isang mambabatas na hindi mauuwi sa Constitutional crisis ang nangyayari ngayong standoff sa pagitan ng Malacañang at Ombudsman dahil sa pagsuspinde kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.
Ayon kay Cong. Vicente Veloso, kahit na dumulog pa sa Korte Suprema si Carandang upang humingi ng temporary restraining order, wala pa rin itong magiging problema sa ating konstitusyon.
Pahayag ni Veloso, chairman ng House Subcommittee on Judicial Reforms, kung susundin ang batas na nakasaad sa section 8 ng Republic Act no. 6770 o mas kilala bilang “The Ombudsman Act of 1989” malinaw na mayroong kapangyarihan ang pangulo na suspendihin si Carandang sa kabila ng 2014 SC ruling na nagsasabing labag sa konstitusyon ang pagpapataw ng parusa ng presidente sa Deputy Ombudsman.
Malaki naman ang paniniwala ni Veloso na dumaan sa due process ang suspension order na ibinaba ng Malacañang laban kay Carandang.
Maliban sa 90 days suspension, nahaharap din ang Overall Deputy Ombudsman sa mga kasong grave misconduct at grave dishonesty matapos na isapubliko ang mga umano’y bank transactions ni Pangulong Duterte at ng kanyang pamilya, na kalauna’y itinanggi ng AMLC na galing sa kanila ang mga naturang dokumento.