Maari pa ring tanggapin ang mga stapled at natuping 1000 peso bill, mapa-polymer bank note man o paper bank note.
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Managing Director Tony Lambino, natupi man o nalukot ang naturang halaga, dapat pa rin itong tanggapin ng mga establisyemento.
Maging ang stapled na 1000 peso bill ay hindi aniya maituturing na ilegal pero mas mabuting wag itong gawin sa anumang peso bill.
Matatandaang nag-viral sa social media ang isyu kaugnay sa hindi pagtanggap ng ilang commercial establishment sa natuping 1000 peso bill na polymer bank note.
Panawagan naman ni Lambino sa publiko, na ingatan ang anumang peso bills o halaga na hawak para mas tumagal ang buhay ng mga ito.
Samantala, sinabi ng BSP Official, na pag-isyu nila ng 1000 peso bill ay bahagi lamang ng kanilang test circulation upang malaman ang feedback ng publiko ukol dito. – sa ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)