Inaasahang magiging available pa lamang sa hilagang-bahagi ng bansa ang Starlink Satellite Internet Service na pag-aari ng American Tech Billionaire na si Elon Musk.
Ito ang nilinaw ni Information and Communications secretary Ivan Uy Sa gitna nang inaasahang pagsisimula ng operasyon ng nasabing internet service ngayong taon.
Ayon kay Uy, posibleng matagalan pa bago ma-avail ang serbisyo ng Starlink para sa mga taga-Visayas at Mindanao hangga’t hindi nag-la-launch ng karagdagang satellites.
Nitong Mayo lamang inaprubahan ng National Telecommunications Commission ang registration ng Starlink Internet Services Philippines Incorporated, na subsidiary ng Starlink Satellite Internet Service.
Ang pagpasok anya ng Starlink sa Pilipinas ang magpapalawak sa internet coverage sa bansa, na maaaring makaabot sa mga liblib na lugar.
Ipinaliwanag ni Uy na angkop ang satellite technology ng Starlink para sa bansa, lalo’t nagdadalawang-isip ang ilang Telco na maglagay ng fiber optic o submarine cables dahil kaunti lamang ang mga internet users sa mga lugar na planong lagyan.
Dahil gumagamit ng low earth orbit satellite network, maraming satellites ang kailangang ideploy ng Starlink na planong maglagay ng kabuuang 40,000 satellites pero nasa 2,000 pa lamang ang na-deploy.