Maglulunsad ng panibagong kampaniya ang Simbahang Katolika na pinamagatang “Start the Healing” na magsisimula sa November 5 hanggang December 8.
Ito ay matapos ang naunang kampaniya ng simbahan na “Stop the Killings” campaign kung saan ipinanawagan na itigil na ang serye ng patayan.
Ayon sa isang pahayag na inilabas ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan layon ng “Start the Healing” campaign ay mag-alay ng panalangin para sa mga biktima ng di umano’y extrajudicial killings.
Sa loob ng 30-araw ay hinihikayat ang bawat isang mananampalataya na magdasal ng rosario at tumanggap ng banal na komunyon para sa kapayapaan ng mga kaluluwa ng mga napatay at sa ikabubuti ng bansa.
Gaganapin sa EDSA Shrine sa November 5, ikatlo ng hapon ang paglulunsad ng nasabing kampaniya ng Simbahang Katolika.
—-