Nagpasalamat si Brunei Sultan Haji Hassanal Bolkiah kay Pangulong Rodrigo Duterte gayundin sa sambayanang Pilipino dahil sa mainit na pagtanggap sa kanila.
Sa isinagawang state banquet sa Malakaniyang, hindi naitago ni Sultan Bolkiah ang tuwa dahil sa inihandang magarbong hapunan para sa kaniya gayundin sa kaniyang delegasyon.
Bagama’t bahagyang nawalan ng suplay ng kuryente sa palasyo sa kasagsagan ng hapunan, hindi naman ito inalintana ng mga bisita at itinuloy pa rin ang wine toast na pinangunahan ni Pangulong Duterte.
Kabilang sa mga dumalo sa state banquet na ginawa sa Rizal Hall ng Malakaniyang sina dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, Russian Ambassador to the Philippine Igor Khovaev, Chinese Ambassador Zhao Jianhua at ang mga miyembro ng gabinete.
Dumalo rin sa nasabing pagtitipon ang kilalang fashion designer na si Rene Salud, composer na si Ryan Cayabyab at ang Manila Philharmonic at Sindao Philippines performing arts na siyang nagtanghal sa nasabing hapunan.
Kabilang sa mga inihain sa nasabing state banquet ay beef kaldereta, steamed mahi-mahi o maya-maya, pomelo salad with lobster at mangga mula sa Guimaras.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping