Idineklara na ang state of calamity sa lalawigan ng Cebu dahil sa pinsalang dulot ng Bagyong Odette.
Ito ay ginawa matapos mag-landfall ang naturang bagyo sa Cebu kung saan nagdulot ng agarang paglikas ng libu-libong indibidwal sa kanilang bahay dahil sa tindi ng bagyo.
Ayon kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia, lubhang napinsala ang ilang kabahayan, gusali, imprastraktura habang nagdudulot ng blackout at kawalan ng tubig sa buong probinsiya.
Dagdag rin ni Garcia, makikipag-ugnayan ito sa lahat ng alkalde at mga contractors para maibigay ang tulong na kakailanganin tulad na lamang ang pagbabalik ng kuryente at tubig sa mga naapektuhan ng bagyo.
Aniya, isa sa pinaka-importante na masimulan ay ang pagbabalik sa ayos ng mga kabahayan dahil ito ang pangunahing pangangailangan ng mga residente.
Tiniyak ni Garcia sa mga residente na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maibalik ang sigla ng kanilang lalawigan.