Nagdeklara na ng State of Calamity ang City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) matapos sumirit ang kaso ng dengue sa Tabuk City, Kalinga.
Ayon kay Mayor Darwin Estrañero, tumaas sa 1,758% o katumbas ng 762 na kaso ng dengue sa kanilang lugar ngayong taon na ikinamatay ng tatlong idibidwal.
Sa pahayag ni Dr. Henrietta Bagayao, health officer ng lalawigan, 83 pasyente ang patuloy na nagpapagaling at kasalukuyang ginagamot sa mga pampubliko at pribadong ospital sa lungsod.
Dahil dito, humiling ang alkalde sa sangguniang panlungsod na magsagawa ng isang espesyal na sesyon upang aprubahan ang deklarasyon na magbibigay-daan sa agarang pagtugon sa quick response fund ng lungsod para sa pagpapatupad ng mga hakbang laban sa pagkalat ng naturang sakit.
Kabilang sa mga hakbang, ang pagsasagawa ng fogging, misting, at pag-spray sa mga bahay at paaralan bago ang pagsisimula ng face-to-face classes sa Agosto a-22.
Bukod pa dito, naglabas narin ng executive order si Estrañero na nag-uutos sa mga barangay health emergency response teams na tumulong sa mga hakbang laban sa dengue sa buong komunidad para sa pagsugpo ng lamok na may dalang dengue.
Bukod pa dito, magsasagawa din ng blood-letting activity sa city hall ng lungsod ngayong araw kung saan, iniimbitahan ang publiko na lumahok sa naturang aktibidad.