Isinailalim na sa State of Calamity ang pamahalaang bayan ng Santo Tomas sa Davao del Norte dahil sa tindi ng pinsalang idinulot ng nagdaang bagyo at matinding buhos ng ulan nitong nagdaang linggo bunsod ng Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ).
Ayon kay Municipal Information Officer Mart Sambalud, nagpasa ng resolusyon ang sangguniang bayan para sa nasabing deklarasyon alinsunod na rin sa rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction Council (MDRRC).
Layunin nitong magamit ang Quick Response Fund (QRF) para sa disaster relief at rehabilitation efforts sa kanilang lugar.
Base sa record ng pamahalaang lokal, umabot sa P15.9-M ang nasira sa agricultural crops at livestock; P1.65-M sa lupain; P3.065-M sa imprastraktura sa nasabing bayan kung saan posibleng abutin nang P25. 9-M ang halaga ng rehabilitasyon sa nabanggit na lugar.