Nakatakda nang magdeklara ng State of Calamity ang local government ng San Jose, Occidental Mindoro sa gitna ng hinaing na pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa bagsak-presyong sibuyas.
Labing-pitong (17) barangay ang apektado ng pagbulusok ng presyo ng lokal na sibuyas na mabibili na lang sa anim na piso kada kilo.
Isinisi naman ni San Jose Mayor Romulo Festin sa importasyon ng sibuyas ang hindi na mabili-biling pananim ng mga lokal na magsasaka sa lalawigan.
Bukod sa bagsak-presyo, naapektuhan din ang mga pananim ng pesteng harabas dahilan upang umabot na sa P72-M ang halaga ng pinsala.
Samantala, nilinaw ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes na walang pinipirmahang Importation Permit ang D.A. at maaaring smuggled ang mga imported na sibuyas na dumaragsa sa mga pamilihan.