Nagdeklara ng state of emergency ang mga state governors sa Nigeria dahil sa umano’y talamak na kaso ng rape at karahasang sekswal laban sa mga kababaihan.
Kasabay nito, nanawagan ang Nigerian Governor’s Forum (NGF) sa mga awtoridad sa 36 estado na lumikha ng listahan ng mga sex offenders at lagdaan ang dalawang federal laws na nagpapataw ng mabigat na parusa laban sa mga salarin.
Humihingi rin ng impormasyon ang mga gobernador sa mga hepe ng pulisya ukol sa mga hakbang na ginagawa nila kaugnay ng lumalalang kaso ng karahasan at pang-aabusong sekswal sa kanilang bansa.
Una rito, sumiklab ang kaliwa’t kanang protesta sa Nigeria matapos sunod-sunod na panggagahasa sa mga babaeng estudyante kung saan ilan dito’y brutal na sinaktan at pinatay.