Makasaysayan ang apat na araw na state visit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China.
Ito, ayon kay Vice Foreign Minister Liu Zhenmin ay dahil naibalik na nito ang dating magandang ugnayan ng China at Pilipinas.
Sinabi ni Liu na nagbukas din ito ng panibagong pahina para sa dalawang bansa upang matugunan ang isyu sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng bilateral consultations.
Giit ni Liu, magiging aktibo rin ang China sa pagsusulong ng infrastructure development sa Pilipinas.
Travel ban lifted
Samantala, tinanggal na ng China ang lahat ng travel advisories para sa mga mamamayan nitong nasa Pilipinas.
Ito ang inianunsyo ni Chinese President Xi Jinping sa gitna ng paglagda nila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 13 bilateral cooperation agreements sa Great Hall of the People sa Beijing.
Ayon kay Chinese Vice Foreign Minister Liu Zhenmin, layunin ng travel ban lifting na makahikayat ng mas maraming Tsino na bumisita sa Pilipinas.
Inilabas ang travel advisories matapos ang bomb threat sa Chinese Embassy sa Makati City noong September 2014.
Panatag Shoal
Hindi umano natalakay sa bilateral meeting nina Pangulong Rodrigo Duterte at China President Xi Jinping kung papayagan ang mga mangingisdang Pinoy na makapaglayag sa Panatag Shoal.
Ayon kay Vice Foreign Minister Liu Zhenmin, hindi napag-usapan nina Duterte at Xi ang isyung umiikot sa Shoal na kung tawagin ng mga Tsino ay “Huangyan.”
Gayunman, sinabi ni Liu na nabanggit ng dalawang lider ang pagpapatatag sa fisheries cooperation sa South China Sea at gayundin sa usapin ng fishery products at industries.
Nangako rin umano ang China na susuportahan nito ang Pilipinas sa pagpapaunlad sa aquaculture at fishery products processing upang gumanda ang buhay ng mga mangingisdang Pinoy.
By Jelbert Perdez
Photo Credit: AP