PARA sa layunin na mapanatiling efficient at accountable ang mga korte sa Pilipinas, inilatag ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang “strategic plan” ng Supreme Court (SC) sa susunod na limang taon.
Ito ang inanunsyo ng Punong Mahistrado sa virtual launching ng Justice Sector Reform Programme: Governance in Justice (GOJUST II), isang proyekto na suportado ng European Union (EU) kamakailan.
“Once and for all, the judiciary must deliver its services, both adjudicative and administrative, real time,” wika ni Gesmundo.
Sa kanyang talumpati, inamin ni Gesmundo na minana ng SC ang mahigit daang taong hudikatura na dinadapuan ng maraming problema, gaya ng institutional, cultural at societal.
Dahil dito, hiniling ng Chief Justice ang suporta at inputs mula sa kanyang mga kasamahan sa Kataas-taasang Hukuman para sa implementasyon ng five-year plan hanggang 2026.
Aniya, karapat-dapat na magkaroon ang mga Filipino ng judiciary na may competence, integrity, probity, at independence.
Sinabi ni Gesmundo na dapat ding maibigay ng hudikatura ang pantay na access sa katarungan sa tamang oras at dumepedende sa transparency at accountability ang kumpiyansa ng publiko sa hudikatura, at maging ang teknolohiya na magsisilbing platform sa pagpapatakbo ng basic court systems at processes.
Imo-monitor at ie-evaluate ng SC ang performance ng mga justices, judges, at court officials at personnel.
Samantala, upang matugunan aniya ang delay at pangangailangan ng litigants, nag-setup ang Justice Sector Coordinating Council (JSCC) ng iba’t ibang Justice Zones sa bansa kung saan maaaring mag-convene at talakayin ng mga korte, prosecution, law enforcement, correctional institutions, at community ang mga problema.
Kasabay nito, tiniyak ni Gesmundo na sa panahon ng kanyang pamumuno ay patuloy na gagabay ang GOJUST sa pagtatatag ng mga karagdagang justice zones.