Umaasa si House Speaker Pantaleon Alvarez na dadalo pa rin si Senate President Koko Pimentel III sa sandaling mag-convene na ang Kongreso bilang Con-Ass o Constituent Assembly.
Ito’y sa harap na rin ng iringan sa pagitan ng House Speaker at ng mga senador na una nang nagkasundo na mag-convene bilang hiwalay na Con-Ass para sa pagbabalangkas ng bagong saligang batas tungo sa Pederalismo.
Ayon kay Alvarez, may pananagutan ang Senado sa pangunguna ni Pimentel na dumalo sa pagdinig ng Kamara bilang anak ni dating Senate President Nene Pimentel na siyang nagtatag ng partido PDP Laban at matagal nang nagsusulong sa Pederalismo ng bansa.
Giit ng Speaker, ang taumbayan aniya at hindi ang Kongreso ang siyang magpapasya kung dapat ba o hindi na palitan ang sistema ng pamahalaan.
“Hindi tayo ang gumagawa ng batas, we make a draft, we propose to the people, the people approves through a plebiscite. Dapat nating tandaan na hindi ito dumadaan sa Pangulo, para aprubahan ng Pangulo. Hindi rin ito kailangang dumaan sa Senado para aprubahan nila. Hindi ito ordinaryong batas.” Pahayag ni Alvarez
Kasunod nito, nilinaw ni Alvarez na dapat pa ring idaan sa maayos at mahinahong pag-uusap ang isyu ng dalawang kapulungan ng Kongreso lalo’t iisa naman aniya ang kanilang layunin.
“Anong kinakatakot mo kung ma-abolish ka? Kung ‘yun naman ang makabubuti sa bayan. Pag-usapan natin ito in open mind, huwag ‘yung ating personal na interes na takot tayong ma-abolish, takot tayo na hindi na maging presidente kasi marami naman diyan na may ambisyong maging Pangulo. Kalimutan natin lahat iyan, isipin muna natin ‘yung kapakanan ng bayan.” Paliwanag ni Alvarez
Buwelta naman ni Senate Minority leader Franklin Drilon, hindi sila kung hindi ang mga taga-Kamara ang may motibo kung bakit iginigiit nilang i-etsapuwera ang Senado sa botohan.
“Ngunit ‘yung opinion ng lahat ng dumulog sa hearing namin sa Senado, mga respetadong mahistrado, sina Justice Puno, Chief Justice Davide at dating Pangulo ng Senado na si Nene Pimentel, lahat sinasabi na hiwalay ang botohan, hiwalay ang pagboboto ng Senado at ng Kongreso. Opinyon ‘yan ni Alvarez, wala tayong magawa dahilan sa may interes naman sila na hindi ipagpatuloy ang eleksyon at hahaba ang kanilang mga termino, kaya naiintidihan natin kung bakit nila ipinipilit na sila na ang bumoto at huwag nang isama ang Senado.” Pahayag ni Drilon
Samantala, nagmatigas ang Senado na hindi sila dadalo sa mga ipatatawag na pagdinig ng Kamara para mag-convene bilang Con-Ass o Constituent Assembly para isulong na amiyendahan ang Saligang Batas.
Ito’y ayon kay Senate President Aquilino Pimentel III kasunod ng pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na may pananagutan pa rin ang Senado para makiisa sa kanila sa pagbalangkas ng bagong batas upang mabago ang sistema ng pamahalaan.
Sa panayam ng DWIZ kay Pimentel, sinabi nito na may mga kaniya-kaniyang paraan ang Senado at Kamara sa pagbalangkas ng Saligang Batas na maaari naman aniyang gawin kahit magkahiwalay.
Kailangan bang mag-communicate ang Senado sa kanila na agree kami to have a joint session with them? Kung ang sagot nila ay yes. Then mahina ang kanilang sitwasyon kasi kailangan nilang maghintay ng communication from the Senate na pumapayag sila sa joint session and from experience, what I know doon sa aming dalawang joint sessions for martial law approval, merong formal communication na nanggagaling sa bawat House. Even pursuant to their own interpretation, mayroon pa ring procedure na dapat sundin. Pahayag ni Pimentel
Kasunod nito, bukas pa rin si Pimentel na magkausap sila ni Alvarez sa mga susunod na araw at umaasa siyang magkaka-ayos din ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang kapulungan.