Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ang staysafe.ph ay tumutulong lamang sa contact tracing, ngunit hindi nito maaaring palitan ang orihinal na pamamaraan nito.
Ito’y matapos ipabatid ni dating Department of Information and Communications Technology Undersecretary Eliseo Rio Jr. ang maaaring maging papel ng staysafe.ph para opisyal nang gamitin bilang contact tracing application.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaaring maging katuwang lamang ang naturang app sa contact tracing ngunit hindi nito maaaring palitan ang paghahanap sa mga aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Aniya, ang contact tracing ay pinagsanib na pwersa ng pamahalaan at lokal na pamahalaan para sa mas mabilis at epektibong paraan.
Una rito, sinabi ni Rio na maaaring naiwasan sana ang pagdami ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa kung ipinatupad sana ang central data platform na ipinanukala ng DICT.