Iniimbestigahan na ngayon ng Department of Education (DepEd) ang nagviral na learning modules sa social media.
Ito’y makaraang ihalintulad sa mga yagit sa kalsada ang isang pamilya ng magsasaka sa nabanggit na module.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, hindi nila kailanman kinukonsinte ang stereotyping kaya’t tiyak na maparurusahan ang nasa likod nito.
Ipinaabot ni Briones ang pahayag na binasa ni Sen. Pia Cayetano sa isinagawang deliberasyon ng senado hinggil sa budget ng DepEd para sa susunod na taon.
Una rito, kinuwesyon ni Sen. Grace Poe kung sino ang nagpapasya sa nilalaman ng learning modules ng DepEd at kung paano nakalulusot ang ganitong uri ng panghahamak.
Para naman kay Sen. Francis Pangilinan, tila hindi na binigyan ng dignidad ng gumawa ng module ang mga magsasaka gayundin ang mga yagit dahil kapwa sila binibigyan ng mababang pagtingin sa lipunan.