Binigyang diin ng Quezon City government ang kahalagahan ng pagkakaroon ng testing, counselling at consultation para sa Human Immunodeficiency Virus (HIV).
Ito’y matapos makapagtala ang QC Service Delivery Network ng 56% na pagtaas sa bilang ng mga Sexually Transmitted Infections (STI) ngayong 2022.
Batay sa datos, nasa 2,538 STI cases ang naitala mula Enero hanggang Nobyembre ngayong taon na mas mataas kumpara sa 1,625 cases na naitala sa kaparehong panahon noong 2021.
Naililipat ang HIV sa pamamagitan ng pagpapalitan ng body fluids mula sa infected na tao tulad ng dugo, breast milk, semilya at vaginal secretions habang maaari ring mahawa ang sanggol kung may taglay na virus ang buntis na ina.
Samantala, nilinaw naman ng World Health Organization (WHO) na hindi maaaring magdulot ng HIV ang ordinaryo o regular contacts gaya ng paghalik, pagyakap, pagkamay o pagse-share ng personal objects at pagkain o tubig.