Pambili lang ng bakuna ang hiningan ng pondo ng Department of Health (DOH) pero wala para sa iba pang malaking gastusin gaya ng storage sa freezer, distribusyon, transportasyon, bayad at training ng magtuturok at mga gamit sa pagtuturok.
Ito ang lumitaw sa deliberasyon ng panukalang budget ng DOH para sa susunon na taon
Sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senadora Pia Cayetano ang nakapuna na walang pondo para sa pag-iimbak, distribution at pagtuturok ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa panukalang pambansang budget para sa susunod na taon.
Tinatayang P7-bilyon ang kailangan para rito kung ang bibilhing bakuna ay ang pinakamura na ang storage ay hanggang -10 degrees Fahrenheit.
Sinabi naman ni Recto na nakadidismaya na maliit na nga ang inilaang budget para sa pagbili ng bakuna , hindi pa isinama sa pinapopondohan ang supply chain o ang pag-iimbak at pamamahagi nito na tiyak daw na mas mataas ang presyo kaysa sa bakuna.
Nasa P2.5-bilyon lang ang inilaan ng Malacañang na pambili ng bakuna, itinaas ito ng senado sa P18-bilyon bagamat may P10-bilyon na unprogrammed o depende sa availability ng pondo.
Ayon kay Recto, may pagkakataon sila sa senado na padagdagan ito kahit pa anya gawing P150-bilyon ang unprogrammed budget para dito ang mahalaga, may standby authority na para sa pagbili ng gobyerno ng bakuna kapag naging available na ito. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)