Pinamamadali na ng Department of Energy ang implementasyon ng strategic petroleum reserve plan ng ahensya kasunod ng serye ng taas-presyo sa produktong petrolyo.
Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, nagpalabas na ng kautusan si Energy Secretary Alfonso Cusi na ipatupad ang nasabing plano para mabawasan ang matinding epekto ng oil price hike sa publiko.
Aniya, hahatiin ang strategic petroleum reserve plan sa dalawang yugto, ang short-term at long-term.
Sa ilalim ng short-term plan, ookupahin ng pamahalaan ang natitirang spare capacity sa kasalukuyang storage tank ng mga kompanya ng langis habang sa long-term plan naman ay gagawa ng sariling storage tank ang Philippine National Oil Company (PNOC).
Sa ganitong paraan, aniya, mas mapapababa ang presyo ng langis sa bansa kumpara sa presyong itinakda sa merkado.—sa panulat ni Abie Aliño-Angeles