Inihayag ni Chairperson at CEO Fernando Martinez ng Independent Philippine Petroleum Companies Association (IPPCA) na malaking tulong sa bansa ang pagkakaroon ng strategic storage ng langis.
Ayon kay Martinez, kung nasimulan lang sana ito noong mga nakaraang taon, hindi sana magkukulang ang suplay ng langis sa bansa.
Sinabi ni Martinez na nagkukumahog ngayon ang Pilipinas kung saan kukuha ng suplay ng langis dahil sa matinding tensiyon sa pandaigdigang pamilihan bunsod narin ng girian sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Iginiit ni Martinez na dapat ay gamitin ng gobyerno ang nasa $10 hanggang $20 reserve upang makabili ng karagdagang imbak ng langis ang Pilipinas.
Iminungkahi din ni Martinez ang suspensiyon sa excise tax sa pag-angkat ng produktong petrolyo para mapigilan ang mataas na presyo nito kung saan, posible umanong umabot sa P100 ang presyo ng langis sa bansa.