Maliban sa COVID-19 ay pinatututukan din ng mga health expert ang stroke bilang isa sa mga dahilan ng kamatayan ng maraming Pilipino buhat nuong isang taon.
Ito ang babala ng mga eksperto matapos lumabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 99,700 o halos isandaang libo ang naitalang nasawi sa bansa nuong isang taon dahil sa stroke.
Sa isinagawang webinar ng Menarini Asia-Pacific, iginiit ng mga health expert na dapat ding pagtuunan ng pansin ng Pamahalaan ang iba pang karamdaman bukod sa COVID-19.
Batay pa sa pag-aaral ng PSA, 5 sakit ang pangunahing nagiging sanhi ng kamatayan ng mga Pilipino kabilang na ang atake sa puso, cancer, diabetes, chronic lung disease at stroke na itinuturing na non-communicable disease.
Subalit pinakamahirap anila rito ang stroke dahil sa ito ay nagmumula sa pagkakaroon ng blood clot o pamumuo ng dugo sa ugat na nagiging sanhi ng pagbabara sa daluyan ng dugo ng isang tao para makarating sa utak.
Payo ng National Stroke Association, maiiwasan naman ang stroke sa pamamagitan ng tamang gamot, regular na pagpapatingin sa doktor at tamang pag-aalaga sa sarili. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)