Nabawi na ng mga tropa ng gobyerno ang Dansalan College na sinasabing “stronghold” ng ISIS-Maute group sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Jo-Ar Herrera, Spokesman ng Joint Task Force Marawi, matapos ang matinding bakbakan ay nabawi ng mga sundalo ang Dansalan kung saan nag-aral ang magkapatid na Omar at Abdullah Maute, dalawa sa mga leader ng teroristang grupo.
Narekober mula sa naturang lugar ang nasa 50 bangkay ng mga sibilyan at miyembro ng Maute kabilang ang isang hinihinalang dayuhang terorista.
Tumambad din sa mga sundalo ang 14 na mataas na kalibre ng baril tulad ng caliber 50 heavy machine gun, communication items at isang drone.
Ang nabanggit na paaralan na kinatitirikan ng ilang mataas na gusali ang nagsisilbing machine gun nests at vantage position ng mga Maute sniper.
Samantala, nasa 1,700 pang indibidwal ang narescue ng militar habang tinatayang 300 hanggang 500 sibilyan ang naiipit pa rin sa conflict zone.
By Drew Nacino
Pinaka-kuta ng Maute sa Marawi nabawi na ng militar was last modified: July 5th, 2017 by DWIZ 882