Kinontra ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lumabas na issue ng Time Magazine na kumikilala sa kanya kasama ang apat na iba pang world leaders bilang “Strongmen.”
Sa kanyang talumpati sa 37th Principals Training and Development and National Board Conference program sa Davao City, itinanggi ni Pangulong Duterte na isa siyang “Strongman” lalo’t wala naman siyang ipinakulong.
Anya, hindi rin naman siya naghari-harian sa Pilipinas at sadyang maraming bumoto sa kanya noong 2016 Presidential Election.
Feature si Pangulong Duterte ng Time Magazine para sa May 14 issue na may titulong “Rise of the Strongman” kasama sina Russian President Vladimir Putin, Hungarian Prime Minister Viktor Orban at Turkish President Recep Tayyip Erdogan.
Inihalintulad si Duterte sa naturang magazine bilang isang dating alkalde na kumikilos bilang isang “Mob Boss” sa halip na Pangulo sa kanyang pangakong sugpuin ang iligal na droga sa pamamagitan ng sarili niyang paraan.