Nagpapatuloy pa rin ang assessment ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council sa naging pinsala ng magnitude 6.7 na lindol sa Surigao del Norte.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan na nagpadala na sila ng mga structural engineer lalo’t maraming istruktura sa lalawigan ang naapektuhan ng malakas na lindol.
“Tuloy po ang pag-assess ng ating mga enhinyero ng mga iba’t ibang struktura government and private sector to ensure the safety of the people pati na rin ang mga paaralan natin.”
Ipinabatid din ni Marasigan na naibalik na ang suplay ng tubig at kuryente sa lugar.
“Sa kuryente na-restore at na-reenergize na natin ang mga lugar at wala nang problema sa suplay bagamat kaninang umaga nakapagtala tayo ulit ng brownout dahil sa aftershock.
Kasabay nito, sinabi ni Marasigan na magsasagawa rin sila ng post-disaster needs assessment na tatagal ng isang buwan.
“For the entire rehabilitation kailangan na ang pag-assess in details at aalamin natin yung mga activities, pangangailangan, magkano ang aabutin, yun ang makikita natin sa komprehensibong rehabilitation at recovery plan, maaaring umabot ng isang buwan ito para maging komprehensibo sa pagbangon muli ng Surigao government.”
4.9 aftershock
Isang malakas na aftershock ang naramdaman sa Surigao City kaninang madaling araw.
Ang aftershock na may magnitude na 4.9 ang ikalawang pinakamalakas na aftershock sa Surigao mula nang tumama ang magnitude 6.7 na lindol noong Biyernes ng gabi.
Bago naramdaman ang malakas na aftershock ay umabot muna sa pito ang aftershocks na tumama sa Surigao na may magnitude na 2.2 hanggang 4.9.
Ayon sa PHIVOLCS, umabot sa intensity 5 ang lakas ng pagyanig na naramdaman sa malakas na aftershock.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview) | Len Aguirre