Nagustuhan kay incoming President Rodrigo Duterte ng mga taong naghalal sa kanya sa pwesto ang kakaibang istilo sa pagkilos at pananalita nito.
Pahayag ito ni incoming Presidential Spokesperson Attorney Salvador Panelo.
Ayon kay Panelo, tinanggap si Duterte ng halos 17 milyong Pilipino na bumoto sa kanya sa kabila ng pagkakaroon niya ng kakaibang istilo.
Sinabi ni Panelo na kahit naman noon pang panahon ng kampanya, ipinakita na ni Duterte ang kaniyang istilo pero ibinoto pa rin at pinaniwalaan siya ng tao.
Ayon kay Panelo, marahil hindi sanay ang mga taga-Maynila at iba ang tingin sa mga pahayag at galaw ni Duterte.
Sa isyu naman ng paninipol ni incoming President Rodrigo Duterte sa reporter na si Mariz Umali, sinabi ni incoming Presidential Spokesperson Attorney Salvador Panelo na sa Davao city, malapit si Durterte sa mga mamamahayag at nagiging kabiruan na niya ang mga ito.
Binanggit din ni Panelo na kahapon ng umaga ay tinawagan niya si Umali, upang tanungin kung na-offend pa ito sa pagsipol ni Duterte habang siya ay nagtatanong sa press conference.
Ani Panelo, sinabi umano sa kaniya ni Umali na bagaman nasorpresa siya ay sa tingin umano niya iyon ay isang compliment.
Pero kahapon sa pahayag ni Umali, sinabi niyang “improper” ang ginawa ni Duterte pero hindi naman na kailangang ito ay humingi ng paumanhin.
By: Avee Devierte